Biyenan na Sinaksak ng Sariling Manugang sa Dinapigue Isabela, Patay!

165

Dinapigue, Isabela – Patay ang isang senior citizen matapos saksakin ng manugang nito kahapon dahil lamang sa mainit na bangayan sa inuman sa Brgy. Dibulo, Dinapigue, Isabela.


Sa panayam ng RMN Cauayan kay Deputy Chief of Police ng Dinapigue na si SPO4 Rolando Pascua, sinabi niya na kaagad na nasawi ang biktimang si Eugenio Apostol Sta Ana, animnapung taong gulang, may asawa at isang mangingisda habang ang suspek ay kinilalang si Rene Miguel Subang, tatlumpu’t apat na taong gulang, may asawa at isa ring mangingisda sa naturang bayan.

Aniya, itinawag sa MDRRMC ng Dinapigue ang umano’y saksakan sa nasabing lugar at sa pagresponde ng mga otoridad ay ipinasakamay sa kanila ang suspek na unang hinuli ng ilang mga residente sa Brgy. Dibulo.

Dinala naman agad ang biktima sa Dinapigue Hospital dahil sa malalang saksak sa kanang bahagi ng dibdib nito pero dead on arrival na umano si Sta Ana.

Giit pa ni SPO4 Pascua na nasaksihan umano ng anak ng suspek at apo ng biktima na si Bryan Sta Ana Subang, na nakita umano nito na nag-aaway ang dalawa at hindi niya nagawang pigilan dahil sa parehong may hawak na kutsilyo.

Nasa himpilan na ng PNP Dinapigue ang suspek at sa ngayon ay inihahanda na umano ang inquest proceedings sa kasong Homicide ni Rene Miguel Subang.

Facebook Comments