
Nakahanda nang tanggapin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga pangunahing akusado na naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay sa 289.5 million pesos na maanomalyang road dike project sa Najuan, Oriental Mindoro.
Ito ang kinumpirma ni BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Joseph Bustinera sa panayam nito sa media.
Ayon kay Bustinera, kabilang sa mga inihandang pasilidad na posibleng paglagakan ng mga naaresto ay New Payatas City Jail sa Quezon City at Pasay City Jail.
Ang mga naturang custodial facility na magsisilbing kulungan ng mga sangkot sa katiwalian sa flood at ghost project ay nauna nang inispeksyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Remulla na posibleng umabot sa 200 hanggang 1,000 indictees ang sangkot sa kasong ito kung kaya’t napili nila ang New Payatas City Jail na kayang i-accommodate ang posibleng bilang ng mga mapapanagot na sangkot, bukod pa rito na malapit sa Sandiganbayan na hiniling ng korte.
Samantala, ininspeksyon din noong Oktubre ang Pasay City Jail bilang kulungan din ng mga indibidwal na may kaugnayan sa katiwalian sa flood control projects.









