Hinimok ni Committee on Justice Vice Chair Fidel Nograles ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na huwag tumigil sa pagkumbinsi sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Kasunod nito ay pinuri naman ng kongresista ang mabilis na pagkilos ng BJMP na mabakunahan ng COVID-19 vaccines ang mga PDLs.
Aniya, nakakalugod na tinitiyak ng BJMP ang makataong pagtrato sa mga PDLs at pagtiyak ng karapatan sa kalusugan ng mga bilanggo.
Inanunsyo ng BJMP na sa 125,082 na bilanggo, 91% dito o 114,570 PDLs ang nabakunahan na.
Sa bilang na ito, 76,084 PDLs ang nakakumpleto na ng dose ng COVID-19 vaccine habang 38,486 ang nakatanggap ng first dose.
Nabigyan din ng flu vaccines ang 85,816 inmates habang pneumococcal vaccines naman sa 3,901 prisoners.
Umaasa naman ang mambabatas na patuloy na kakausapin ng BJMP ang ibang PDLs na nagdadalawang isip magpabakuna.