May kutob ang Bureau of Jail Management and Penology na dumaan sa drainage ang mga pumugang preso sa Quezon City Jail.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng BJMP na may dalawang preso sa Quezon City Jail na nakatakas.
Ayon kay Xavier Zolda, tagapagsalita ng BJMP, nauna na kasing nabanggit ng jail officers na may tunog silang narinig mula sa drainage ng city jail, na parang nagpupukpok, at posibleng dinaanan ng mga presong pumuga.
Ang dalawang bilanggo ay kinilalang sina Mamerto Valenzuela at Dennis Valdez.
Ayon kay Xavier Zolda, tagapagsalita ng BJMP, si Valenzuela ay may kasong rape habang si Valdez ay may kasong kaugnay sa ilegal na droga.
Kaninang alas-kwatro ng umaga nang mapansin ng mga jail officer na nawawala na ang dalawang preso o noong kasagsagan pa ng Metro Manila shake drill.
Sa ngayon ay magsasagawa pa rin ng paghahanap at imbestigasyon ang mga otoridad.