BJMP, pinalakas pa ang depensa ng mga jail facilities nito kasunod ng napaulat na PDL na nagkakumplikasyon dulot ng COVID-19

Pinatibay pa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang depensa ng mga jail facilities nito laban sa banta ng COVID-19.

Kasunod ito ng napaulat na isang Person Deprived of Liberty (PDL) ang nasawi dahil sa sakit sa puso. Tinitingnan kasi na COVID-19 ang nagpahina sa kondisyon ng pasyente.

Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Chief Inspector Xavier Solda, nakapagsagawa na sila ng contact tracing sa mga na nakasalamuha ng namayapang preso.


Nasa 17 PDL na ang nakahiwalay sa isolation center na itinatag sa pakikipagtulungan ng International Committee of the Red Cross at ng Philippine Red Cross.

Nakalaan ang isolation center sa mga PDL na may mild hanggang moderate symptoms ng COVID-19 na kailangang i-monitor at alagaan.

Mas hinigpitan pa ang mga precautionary measures sa mga jail facilities tulad ng pagpapatupad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask ng mga personnel at PDL.

Naglagay na rin ng foot bath, thermal scanning, at nag-disinfect na ng mga jail facilities.

Mas pinalawak din ang paggamit ng electronic dalaw o e-dalaw at ang pagpapatupad ng daily dialogue sa mga PDL.

Facebook Comments