BJMP, tiniyak ang mabilis na pagpapalaya sa mga kwalipikadong PDL na nasa kustodiya nito

Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bukas ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paluwagin ang mga bilangguan sa bansa.

Ayon kay BJMP Chief at J/Dir. Allan Iral, gagawin nilang mabilis ang pagpapalaya sa mga kwalipikadong Person Deprived of Liberty (PDL) na nasa kanilang kustodiya.

Batay sa 2022 accomplishment report ng BJMP, aabot sa 77,960 na mga PDL ang kanilang napalaya sa pamamagitan ng paralegal services.


Mula sa nabanggit na bilang, mahigit 12 libo rito ay nakapagsilbi na sa kanilang sentensya na mayroong time allowance, mahigit 21 libo ang walang time allowance, mahigit 8 libo ang nakapaglagak ng piyansa.

Habang may mahigit 6 na libo sa mga ito ang acquitted o napawalang sala, mahigit 140 ang nabigyan ng parole, mahigit 6 na libo ang napalaya sa ilalim ng probation at may karagdagang mahigit 25 libo ang napalaya sa pamamagitan ng iba pang paralegal mode of release.

Kasunod nito, inatasan din ni Iral ang mga paralegal officer ng BJMP na magdoble kayod pa sa pagbibigay ng 24 oras na counseling upang matulungan ang mga ito sa kani-kanilang mga kasong kinahaharap.

Facebook Comments