Marawi City – Hinimok ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang mga kaanak ng presong pinatakas ng Maute Group na pakiusapan ang kanilang mga kapamilyang tumakas na sumuko na sa mga awtoridad upang mapababa ang kanilang mga kaso.
Ang pahayag ay ginawa ni BJMP Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda matapos na maibalik na sa kulungan ang 14 na inmates na boluntaryong sumuko at ang iba naman ay nahuli ng mga awtoridad.
Ayon kay Solda, 107 bilanggo nalamang ang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad matapos na patakasin ng Maute group sa Marawi City Jail at Malabang City Jail sa Marawi City.
Paliwanag ni Solda malaki ang partisipasyon ng mga kaanak ng 93 inmates upang muling maibalik sa kani-kanilang kulungan ang mga tumakas na preso.
Umapila rin ang opisyal sa publiko na maging mapagmatyag at agad makipagtulungan sa mga awtoridad oras na mayroon silang nalalaman na gumagala sa kanilang mga lugar ang mga bilanggong pinatakas ng Maute group.