Black Friday protest, isinagawa para kondenahin ang pag-atake sa press freedom ng kasalukuyang administrasyon

Manila, Philippines — Nagsagawa ng Black Friday Protest ang iba’t-ibang grupo ng mga mamamahayag para kondenahin ang ginagawang pag-atake sa press freedom ng kasalukuyang administrasyon.
Ilan sa mga lumahok sa protesta ay ang daan-daang journalists, bloggers at mga aktibista na nagtipon-tipon sa Boy Scout Circle sa Quezon City.
Matatandaan na nagsimula ang isyu matapos bawiin ng Securities and Exchange Commissioner (SEC) ang License to Operate ng news website na Rappler kung saan ipinapatawag pa ng National Bureau of Investigation ang Chief Executive Officer nito na si Maria Ressa at dating reporter nila na si Reynaldo Santos Jr.
Ayon kay Ressa, handa silang harapin ang reklamo sa NBI kung saan iginiit niya na politically motivated ang lahat ng nangyayari.
Pero depensa naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na huwag bigyang kulay ang ginagawang imbestigasyon ng NBI dahil nais lang nilang malaman ang criminal liabilities ng mga nagpapatakbo sa Rappler.
Iginagalang din ng Malacañang ang ginawang Black Friday Protest kung saan sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na patunay lamang ito na buhay ang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas.

Facebook Comments