Fake news ayon sa Northern Luzon Command ang balitang kumalat sa social media na mayroon umanong namataang barko ng China na nagmimina ng black sand sa Aparri, Cagayan.
Batay sa kumalat na impormasyon sa social media, partikular sa Twitter, nakasaad na inakusahan ang militar na pinababayaan ang ilegal na aktibidad ng China habang abala umano sa pag-aresto ng isang nanay at kanyang sanggol.
Ayon kay Northern Luzon Command Spokesperson Maj. Marco Antonio Magisa, hindi totoo ang kumakalat na impormasyon.
Sa dami aniya ng surveillance at monitoring assets nila na nakakalat sa hilagang Luzon at nagpapatrolya sa karagatan, ay walang na-monitor ang Northern Luzon Command na anumang barko ng China sa bisinidad ng nasabing lugar na nagmimina ng buhangin.
Kung meron man aniyang mga dayuhang barko o eroplano na namo-monitor sa karagatan ng bansa, ito ay kanilang binibgyan ng “challenge” at pinaalis sa teritoryo ng Pilipinas.
Para sa opisyal, propaganda lang ng NPA ang nasabing impormayson laban sa NOLCOM dahil sa sunod-sunod na pagkatalo ng terroristang grupo sa area of responsibility ng NOLCOM.
Sinabi pa ng opisyal na ang sinasabing “nanay na inaresto kasama ang sanggol” sa Twitter ay si Amanda Echanis na aniya’y kumpirmadong NPA terrorist na inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ng korte.