Aminado ang grupo ng mga guro na hindi nila maituturing na matagumpay ang pagpapatupad ng blended learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Giit ni Teacher’s Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, bagama’t matagumpay na nairaos ang implementasyon ng blended learning ay hindi naman nila talagang natutukan ang mga bata lalo na ang mga sumailalim sa purong modular distance learning.
“Ayoko naman sabihing token ano po, pero we’re passing nominal in the sense na hindi naman talaga natin natutukan kung paano, gaano rin yung naibigay natin na quality especially doon sa mga bata na purely ay modular. Hindi talaga natin natitiyak po paano sila sumagot, natuto ba sila, sinong nag-guide diyan. Kaya po kapag sinukat po natin ito, masakit man tanggapin, pero galing na sa aming mga guro e malayo ito sa pwede nating ma-claim na success,” giit ni Basas.
Dahil dito, nanawagan ang grupo na ibalik na ang face-to-face classes.
Pero bukas pa rin naman aniya sila sa online learning bilang altertibong paraan ng pagtuturo basta’t ibibigay ng kagawaran ang pangangailangan ng mga guro gaya ng laptop at internet.
Samantala, binigyan ng Teacher’s Dignity Coalition ng gradong 7 si outgoing DepEd Secretary Leonor Briones kung pagbabasehan ang naging performance nito sa ahensya at pagtugon sa concerns ng mga guro.
“Si Secretary Briones ay maayos naman siyang mag-manage ng mga tao, at least dun sa management ng Department of Education. Nakita naman natin yung kanyang readiness na humarap sa media, sa lahat. Nakita na rin naman po natin yung kanyang expertise sa mga policies pero mukang nagkulang po sa kung paano nahandle yung concers ng ating mga guro ‘no,” aniya pa.