Blended learning, magpapatuloy hanggang sa mabakunahan ang mayorya ng mga tao – Malacañang

Patuloy na ipapatupad ng pamahalaan ang blended learning policy hanggang maraming tao ang mabakunahan laban sa COVID-19.

Ito ang sagot ng Malacañang sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na dapat nang magdeklara ng krisis sa edukasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tutol pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalik ng face-to-face classes dahil pa rin sa banta ng pandemya.


“Talagang mahirap po ang buhay natin dahil pandemya pa, habang hindi tayo nakaka-face-to-face. At mukhang tama naman po ang desisyon ng Presidente na habang hindi pa tumataas ang hanay ng mga bakunadong mga kababayan natin ay blended learning po muna tayo,” sabi ni Roque.

Iginiit ni Roque na hindi siya tiyak kung kailangan pang magdeklara ng education crisis at ipinauubaya na niya sa Department of Education (DepEd) ito.

“Hindi ko po alam kung kinakailangan ng deklarasyon ng crisis. Pero ang malinaw po, iyong sinasabi ng World Bank na tila poor tayo sa ilang mga subjects ay mali ‘no. At sila po ay humingi na po ng patawad, at tinanggap naman po ang apology ng DepEd,” ani Roque.

Una nang sinabi ng Palasyo na tiwala silang makakahanap ang DepEd ng paraan para mapabuti ang dekalidad ng edukasyon sa bansa.

Facebook Comments