Blessing ceremony sa bagong COVID-19 test facility ng PNP, isinagawa na

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang blessing ceremony ng bagong COVID-19 testing facility ng PNP sa crime laboratory sa Camp Crame ngayong umaga.

Ito ay matapos na matanggap ng PNP ang sertipikasyon mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at license to operate mula sa Department of Health (DOH).

Kasabay nito, pinasinayaan din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang mobile swabbing truck na magsasagawa ng swabbing sa field at dadalhin na lang ang mga sample sa molecular lab para sa testing.


Sinabi ni PNP chief na mas kumbinyente ito para sa mga pulis na kailangang i-test dahil hindi na nila kailangang pumunta sa Camp Crame para sa swabbing.

Aniya, may kakayahan sila na mag-test ng aabot sa 150 indibidwal bawat araw, kung saan unang magiging priority ang mga pulis at kanilang mga dependent.

Ayon naman kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan, pansamantala lang ang COVID-19 testing facility sa crime laboratory at ililipat ito sa gagawing 85 square meter na pasilidad para sa COVID 19 testing sa likod ng gusali ng PNP Health Service.

Facebook Comments