Bloke-blokeng shabu na nakumpiska sa baybayin ng Ilocos Sur, muling nadagdagan

Umaabot na sa 79 ang bilang ng mga bloke-bloke ng shabu na nakukuha sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.

Sa report ni Police Regional Office 1 Director, PBGen. Lou Evangelista sa Kampo Krame sinabi nitong nakakuhang muli ang mga otoridad ng 19 pang karagdagang bloke sa bayan ng Magsingal kahapon.

Ayon kay Evangelista, ito na ang ika-4 na batch ng mga bloke ng iligal na droga na nakukuha ng mga otoridad matapos mamataang palutang-lutang sa karagatan.


Dahil dito, tinatayang aabot na sa mahigit kalahating bilyong piso o P537.2M ang halaga ng mga nakukuhang iligal na droga sa karagatan.

Unang natagpuan noong Lunes ang 24 na bloke ng shabu sa San Juan, Ilocos Sur na sinundan naman ng 18 bloke na nakuha sa bayan ng Caoayan at 18 bloke ng shabu na nakuha sa dalampasigan ng Magsingal, Ilocos Sur.

Sa ngayon, tuloy ang koordinasyon ng Ilocos Sur Police sa Philippine Coast Guard, PNP Maritime Group, PNP Drug Enforcement Group, at Philippine Drug Enforcement Agency para imbestigahan ang magkakasunod na pagkakarekober ng mga high grade na droga.

Facebook Comments