BLOOD INSPECTION SA MGA SENTINEL PIGS SA CAUAYAN CITY, ISASAGAWA; MGA MAG-AALAGA NG BABOY, PINAALALAHANAN

Cauayan City, Isabela- Isasagawa na sa araw ng Huwebes, May 5 ang pangongolekta ng dugo sa mga sentinel pigs o mga baboy na ibinigay sa mga apektadong hog raisers noong kasagsagan ng African Swine Fever o ASF dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating panayam kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinarian ng Cauayan, kukunan na ng blood samples ang mga baboy na nauna nang naipamahagi sa mga benepisyaryong magbababoy para masuri kung negatibo ang mga ito sa ASF.

Una nang nakapamahagi ang DA Region 2 ng tatlumpung (30) sentinel pigs at tig tatlong sakong feeds sa mga apektadong hog raisers mula sa West Tabacal Region at Tanap Region bilang bahagi ng Repopulation program ng Kagawaran.

Bahagi rin ng naturang programa na kapag natanggap na ng benepisyaryo ang sentinel pig ay obserbahan ito ng City Vet Office sa loob ng 45 days at saka kukunan ng blood sample para sa isasagawang eksaminasyon ng DA.

Kung magnegatibo naman sa ASF ang resulta ay magbibigay pa ng karagdagang dalawang (2) biik at feeds ang kagawaran sa bawat benepisyaryo.

Umaasa naman si Dalauidao na sa pamamagitan ng Repopulation program ng pamahalaan ay maibalik muli ang sigla ng hog industry sa Lungsod at makarekober mula sa matinding epekto ng ASF outbreak.

Mahigit isang taon na rin aniyang walang naitalang kaso ng ASF dito sa Lungsod kung kayat kinakailangan aniya ang pagkakaisa at pagsunod ng bawat isa para hindi na muling mabuhay ang naturang sakit ng baboy at hindi na rin bumalik sa red zone ang status ng Cauayan.

Samantala, hindi pa tiyak ng City Veterinary Office kung 100 percent nang ligtas na mag alaga ngayon ng baboy dahil wala pa namang kumpirmasyon mula sa DA na ASF Free na ang Lungsod ng Cauayan bagkus ay nasa red zone pa rin o may banta pa rin ng ASF.

Mensahe naman nito sa mga gustong mag alaga ng baboy na makipag ugnayan lamang sa barangay o sa City Veterinary Office para maturuan ng biosecurity measures at matiyak na yung bibilhing baboy ay walang taglay na ASF o negatibo mula sa nasabing sakit ng baboy.

Facebook Comments