“Bloody Sunday” na ikinasawi ng 9 na aktibista, paiimbestigahan sa Kamara

Ipasisilip sa Kamara ang tinaguriang “Bloody Sunday” kung saan nasawi ang siyam na aktibista matapos ang serye ng madugong operasyon ng mga pulis at militar sa Calabarzon.

Sa House Resolution 1644 na inihain ng walong kongresista, hinihikayat ang House Committee on Human Rights na kondenahin ang krimen at magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation.”

Binanggit sa resolusyon na ang magkakahiwalay na operasyon noong March 7 sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal ay nauwi sa pagkasawi ng siyam na indibidwal at pagkaaresto ng anim na tao.


Duda ang mga kongresista sa pahayag ng mga otoridad na nanlaban ang mga aktibista kaya napatay.

Ibinabala ng mga mambabatas na ang mga raid, pag-aresto at pagpatay sa mga aktibista ay maaaring lumala at magtuloy-tuloy kung hindi ito maiimbestigahan.

Dagdag pa sa resolusyon, nangyari ang mga madugong operasyon matapos ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na “kill, kill, kill” laban sa mga rebelde at payong huwag isipin ang human rights o karapatang pantao.

Facebook Comments