Blue alert status, itinaas na rin ng DSWD dahil sa banta ng Bagyong Mirasol at Nando

Itinaas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa blue alert ang kanilang status dahil sa bagyong Mirasol at Nando.

Nangangahulugan ito ng malawakang paghahanda ng Disaster Response Command Center (DRCC) ng naturang ahensiya para sa mabilisan at maagang paghahatid ng tulong sa mga posibleng maaapektuhan ng kalamidad.

Nakaalerto na rin ang lahat ng Field Offices para sa agarang pagpapakilos ng Quick Response Teams (QRTs) at pag-activate ng Camp Coordination and Camp Management (CCCM) operations, gayundin ang deployment ng disaster response vehicles at equipment.

Ayon sa DSWD, tuloy-tuloy naman ang kanilang monitoring at koordinasyon kasama ang mga national agencies, local government units, at Field Offices.

Ito ay para matiyak ang maagap at maayos na pagtugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng dalawang bagyo.

Kahapon sinabi ng DSWD na may nakahanda itong 2.5 milyong family food packs na nakahandang ipamahagi sa mga maaapektuhan ng kalamidad.

Facebook Comments