BLUE ALERT STATUS, ITINAAS SA MGA DISTRICT HOSPITALS SA CAGAYAN

‎CAUAYAN CITY – Inilagay sa Blue Alert Status ang lahat ng district hospitals sa Cagayan bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Crising.

‎Ito ang ipinag-utos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para matiyak na handang tumugon ang mga ospital sa anumang uri ng emergency.

‎Ayon sa direktiba ni Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, kailangang naka-alerto ang lahat ng naka-duty personnel habang standby naman ang off-duty staff.

‎Inatasan din ang lahat ng Chief of Hospitals at Health Emergency Response Teams (HERT) na ipatupad agad ang Emergency Preparedness and Response (EPR) guidelines.

‎Kabilang sa mga hakbang ang pagsigurong may sapat na gamot, medical equipment, at health workers sa bawat ospital.

‎Pinaghandaan din ang posibleng pagkawala ng kuryente sa pamamagitan ng pag-inspeksyon sa mga generator set. Isang pagpupulong ang isinagawa upang pagtibayin ang mga plano para sa mabilis na pagtugon sa sakuna.

‎Hinikayat naman ng Provincial Health Office ang publiko na manatiling alerto, sundin ang mga abiso ng awtoridad, at magtungo sa pinakamalapit na ospital kung kinakailangan ng agarang medikal na atensyon.

Facebook Comments