
Itinaas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang blue alert status sa buong bansa upang matiyak na maibibigay ang mga tulong sa ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan.
Ito’y bilang paghahanda na rin sa posibleng epekto ng sama ng panahon na dulot ng low-pressure area (LPA) at inaasahang unang bagyo batay naman sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, dapat manatiling naka-alerto ang publiko at patuloy na mag-monitor sa mga anunsyo ng mga lehitimong departamento ng pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.
Ani Dumlao, naka-fully activated na ang Disaster Response Command Center ng ahensya alinsunod sa direktiba ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Una nang ipinag-utos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pag-preposition sa tatlong milyong family food packs at higit 360,000 non-food items sa mga pangunahing bodega at regional hub sa bansa para matiyak na may aalalay sa mga maapektuhan ng sama ng panahon.









