Excited ang Mindanao Development Authority sa pinirmahang kasunduan kamakailan mula sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Singapore kaugnay ng blue energy at blue economy.
Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni Secretary Maria Belen Acosta, chairperson ng Mindanao Development Authority na sa pamamagitan ng blue energy ay makabagong teknolohiya ang dadalhin sa Mindanao upang maisulong ang malinis na enerhiya.
Sa ngayon aniya, ang kilala lamang bilang source ng enerhiya ay hydro, fossil fuel at solar.
Aniya, sa pamamagitan ng blue energy, ang karagatan ang pagkukuhanan ng enerhiya.
Ang kagandahan aniya rito, walang masyadong limitasyon dahil hangga’t may dagat, low tide man o high tide ay magbibigay ito ng enerhiya.
Ayon kay Acosta, sa ilalim ng blue energy, maglalagay ng malalaking turbines sa ilalim ng dagat.
Sa kada ikot aniya ng turbine, makakabuo ito ng katumbas na enerhiya.
Ayon kay Acosta, ang teknolohiyang ito ay magagamit sa pagbibigay ng source ng enerhiya sa mga liblib na lugar o mga isla na hindi naabot ng main grid ng kuryente.
Dahil dito, magiging independent na ang mga lugar na ito sa pagkakaroon ng sariling enerhiya.