
Hiniling ni Senate President pro-tempore Ping Lacson kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na bakantihin ang araw ng Biyernes, November 14, para maipagpatuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee (BRC) kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Sa sesyon mamaya ay muling magsasagawa ng eleksyon para muling ihalal bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee si Lacson.
Ayon kay Lacson, pagkatapos niyang mahalal mamayang hapon ay kikilos na ang BRC para ipadala ang mga imbitasyon sa mga pahaharapin sa imbestigasyon.
Kasama aniya sa pahaharapin sa komite sina dating Speaker Martin Romualdez, ang 17 mga kongresista na pinangalanan ng mag-asawang contractor na Discaya na sangkot sa ghost flood control projects, at si Cong. Eric Yap.
Ang imbitasyon ng mga ito ay ipadadala ng Senado sa pamamagitan ng tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy.
Samantala, hinihimok naman ni Lacson si Co na mag-participate sa pagdinig ng BRC via zoom pero dapat ito ay gagawin ng dating kongresista sa embassy ng Pilipinas kung saan mang bansa siya naroroon para magkaroon ng bisa ang kanyang salaysay.
Kung sakali namang hindi magawa ni Co na makapunta sa Philippine embassy ay maaari itong magpa-affirm ng kanyang testimonya sa consul ng bansa para patotohanan ang kanyang testimonya at wala itong dagdag o bawas sa kanyang salaysay.









