Blue Ribbon Committee, naniniwalang may sabwatan sa pagbili ng overpriced na laptops

Naniniwala si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino na mayroong sabwatan sa naging proseso ng pagbili ng mga overpriced na laptops ng Department of Education (DepEd) sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa huling araw ng imbestigasyon ng Blue Ribbon, sinabi ni Tolentino na malinaw lalo na sa naging takbo ng pagdinig kanina na mayroong “conspiracy angle” sa naging transaksyon sa pagbili ng ₱2.4 billion na laptops para sa mga public school teachers.

Sinabi pa ni Tolentino na malinaw na planado ang kuntsabahan na isa sa mga layunin ay para kumita.


Dagdag pa ni Tolentino, andaming ‘twists and turns’ sa procurement ng mga laptops dahil ang pondo na orihinal na para sana sa mobile at load ng mga senior high school students ay na-convert o nailipat para sa pagbili ng laptops ng mga public school teachers.

Bukod dito, ang abogadong sinasabing nag-notarized ng memorandum of agreement ng DepEd at PS-DBM ay pumanaw na pala.

Tumanggi naman si Tolentino na sabihin ang mga kasong posibleng isampa sa mga irerekomendang kasuhan pero dahil sa bilyong pisong halaga na pinaguusapan ay posible ang kasong plunder.

Target naman ng Blue Ribbon na maglabas ng committee report sa ikatlong linggo ng Nobyembre.

Facebook Comments