BMI, hindi na kasama sa PFT ng mga pulis

Aprubado ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang suspensyon ng paggamit sa Body Mass Index (BMI) bilang bahagi ng computation ng Physical Fitness Test o PFT rating ng mga pulis na kailangan para sa promosyon.

Base kasi sa dating computation, ang BMI ay 30 porsyento ng comprehensive PFT, habang 70 porsyento naman ang PFT performance o pagkumpleto ng takdang bilang ng push-up, sit-up at kilometro ng pag-takbo.

Ayon kay PNP Chief Azurin, may ilang pulis na hindi pumapasa sa Comprehensive PFT dahil sa pagiging mataba o obese kahit pa pasado naman sila sa performance.


Pero sa bagong PFT rating, tanging ang performance na lang ang ikokonsidera.

Sa ngayon, pinag-aaralan din na baguhin ang PFT para gawing Police Agility test na mas naangkop sa pang-araw-araw na pagganap ng tungkulin ng mga pulis.

Facebook Comments