Board Director ng Fico Bank, Pinagbabaril!

Cabatuan, Isabela- Isang Chairman at Board of Director ng Fico Bank ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Enero 19, 2018 sa lansangan ng Brgy. Luzon, Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Erwin Tabudol, 54 anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Rafel, Roxas, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Cabatuan, minamaneho ni Tabudol ang kanyang Chevrolet na may plakang AAV-2580 patungo sa direksyon ng nasabing lansangan ng biglang paputukan at pagbabarilin ng mga suspek lulan ang walang plakang Red Marron na SUV.


Nagawa pa rin ng biktima na makarating sa tanggapan ng pulisya upang humingi ng saklolo na agad naman siyang isinugod sa pagamutan kung saan siya ay kasalukuyang nagpapagaling.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima at narekober sa crime scene ang siyam na basyo ng bala at isang bala ng caliber 45.

Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon sa naturang insidente at inaalam pa rin ng mga pulis ang motibo ng mga suspek sa nangyaring pamamaril.

Facebook Comments