Inamin ng boat captain ng tumaob na bangka na Princess Aya Express na si Donald Anain na binigyan niya ng pampangiti o suhol ang Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Binangonan substation para payagan siyang makapaglayag noong July 27, ang araw na nangyari ang trahedya na ikinasawi ng 27 katao.
Sa pagdinig ng Senado ay diretsahang tinanong ni Senator Raffy Tulfo ang kapitan ng bangka kung magkano ang perang ibinigay nito sa PCG para payagan siyang makabiyahe.
Ayon kay Anain, ₱100 na halaga ng saging at kung minsan ay ₱50 na cash ang kanyang ibinibigay na suhol sa PCG para hindi na inspeksyunin at payagang makabiyahe ang kanyang bangka.
Sa tuwing babiyahe ay nagtatanong din ang PCG kung anong pampangiti ang maibibigay sa kanila kaya naman kahit ano ay nagbibigay siya ngunit ang kadalasan ay saging na ₱100 halaga at ₱50.
Hindi naman naniniwala si Tulfo na saging at ₱50 lang ang ibinabayad ng mga naglalayag na bangka sa mga PCG.
Maliban sa suhol ay lumabas din sa imbestigasyon ng Senado na madalas na nag-o-overload ang mga bangka ng pasahero dahil bukod sa isang beses sa isang araw lang sila nakakapaglayag ay marami rin silang kakumpitensyang bangkang pumapalaot.
Bukod sa panunuhol o ibinibigay na pampangiti ng boat captain ay inamin din nito sa pagdinig na wala siyang lisensya para makapaglayag kundi ang meron lamang siya ay ang ‘seafarer’s identification book’ o SIB na kinikilala naman umano ng Maritime Industry Authority o MARINA at pumapayag din ang PCG kahit ito lang ang pinapakita niya bago makapaglayag.