Napagsabihan ni Senator Raffy Tulfo ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa kakulangan ng inspeksyon sa mga dredging vessels mula sa China.
Sa pagdinig ng Senado, inamin ni Atty. Julito Doria, Customs Deputy Collector for Operations ng Port of Manila na hindi na nila iniinspeksyon ang mga personal na bagahe ng mga tauhan ng barko.
Paliwanag ni Doria, ang tanging trabaho nila ay inspeksyunin ang mga bagaheng nakalista sa manifest na kokolektahan ng buwis at binibilang lamang nila ang mga sakay na crew at tinitingnan ang mga dalang work o travel documents.
Aniya pa, hindi na sa kanila sa Customs kundi nasa intelligence na ang pagtukoy kung may lamang kontrabando ang isang bagahe.
Nabahala rito si Tulfo dahil papaano kung ang personal luggage ay naglalaman pala ng iligal na droga, mga baril at iba pang kontrabando kung hindi pala nasusuri ng Customs ang mga dalang bagahe ng mga crew.
Agad na ipinag-utos ni Tulfo sa Customs at Immigration na isama sa dapat na inspeksyunin ang mga personal na maletang dala ng mga crew lalo pa’t napag-alaman na maaaring bumaba ng barko ang mga Chinese na sakay ng dredging vessels at hindi pa namomonitor kung bumabalik pa sila o hindi sa barko.