
Pinuna ni Senator Sherwin Gatchalian ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa dami ng ini-report na mga nahuling smuggling ng mga sigarilyo at vape ay mabibilang lang ang naipanalong kaso.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sinita ni Gatchalian na mistulang pakitang-tao lang ang mga raid at panghuhuli kaya hindi tuloy maiwasan na pagdudahan dahil puro dismiss o talo ang mga kaso.
Sa report ng BOC mula 2018 hanggang 2025, nasa halos 1,300 na raid at nakumpiskang illegal tobacco products ang kanilang naisagawa pero 64 lang ang naisampang kaso habang 14 ang pending pa sa piskalya at walo naman ang umabot sa korte.
Subalit sa dami nito, dalawa lang ang nagkaroon ng hatol kung saan acquittal o napawalang-sala pa ang isa.
Batay naman sa BIR report, mula 2023 hanggang 2025, mayroong mahigit 1,600 na nakumpiskang illegal tobacco products subalit 194 lang ang naisampang kaso kung saan 14 lang ang umakyat sa korte at isa lang ang may hatol.
Sa nakikita pa ni Gatchalian, kulang sa koordinasyon sa pagitan ng Department of Justice, BOC at BIR kaya sa huli ay puro talo ang mga kaso.