Monday, January 19, 2026

BOC Comm. Nepomuceno itinangging bodyguard niya si Guteza

Itinanggi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na bahagi ng kaniyang security detail si dating Marine Master Sergeant Orly Guteza.

Ayon kay Nepomuceno, hindi si Guteza ang kaniyang close-in at wala rin ito sa payroll ng BOC.

Paliwanag pa ng opisyal, kilala lamang niya ang retiradong sundalo dahil kaibigan ito ng isa sa kaniyang security staff.

Dagdag pa ni Nepomuceno, nagulat din siya nang lumabas si Guteza bilang testigo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Senado kung saan naging “surprise witness” siya ni Senador Rodante Marcoleta kaugnay sa maanomalyang flood control at infrastructure projects.

Gayunman, ilang source na malapit sa commissioner ang nagsabing akala nila ay bahagi nga ng security team si Guteza, dahil madalas umano itong makitang kasama ni Nepomuceno.

Matatandaan, sa testimonya ni Guteza, idinawit nito si dating House Speaker at Leyte First District Congressman Martin Romualdez, at matapos ang pagdinig, inimbitahan siya ng National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay ng dagdag na detalye pero hanggang ngayon ay hindi pa lumulutang.

Facebook Comments