BOC-Davao, nakipag-ugnayan sa PNP laban sa love scam

Nakipag-ugnayan ang Bureau of Customs-Davao sa Philippine National Police-Regional Anti-Cybercrime Unit XI para kapwa masugpo ang talamak na “love scam”.

Bahagi ng nasabing hakbang ng BOC-Davao at PNP Region XI na masunod ang nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na masiguro ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa ilalim pa rin ng kaniyang economic agenda.

Ngayong panahon ng Kapaskuhan, lumalabas sa datos na marami sa nabiktima ng nasabing scam kung saan ilan dito ay nagreklamo sa tanggapan ng BOC-Davao.


Ang mga personnel ng Port’s Public Information and Assistance Division (PIAD) ang nakikipag-ugnayan sa mga biktima kung saan inaalam nila kung papaano nangyari ang panloloko.

Lumalabas sa imbestigasyon na kakaibiganin ng mga foreigner ang biktima saka sasabihan na may ipinadala siyang regalo pero hindi ito mailabas dahil naka-hold sa customs kaya’t hihingan ng pera.

Matapos magpadala ay wala naman package o regalo na nakatengga sa tanggapan ng customs.

Kaugnay nito, nakiusap ang BOC-Davao sa PNP Regional Anti-Cybercrime Unit XI na tumulong sa pagpapakalat ng “Love Scam Advisory” sa publiko bilang babala ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Kapwa nagkasundo ang BOC-Davao at PNP Regional Anti-Cybercrime Unit XI na magtutulong-tulong upang matunton ang mga nasa likod at kasabwat ng love scam na ilang taon na rin nangyayari lalo na kapag panahon ng Kapaskuhan.

Facebook Comments