BOC, hindi sisirain ang mga luxury vehicle ng Discaya pero planong isailalim sa subasta

Walang plano ang Bureau of Customs (BOC) na wasakin o sirain ang 13 luxury vehicles ng pamilya Discaya na kanilang kinumpiska at nasa kustodiya ng ahensiya.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, may huling pagkakataon na lamang ang pamilya Discaya para patunayang lehitimo ang importasyon ng 13 nilang mamahaling mga sasakyan.

Aniya, kung mabibigo ang mga Discaya na mapatunayan na pagmamay-ari nila ang mga sasakyan, tuluyan na itong iilitin para maisubasta.

Bukod dito, sinabi pa ni Comm. Nepomuceno na hindi rin ito ido-donate sa ibang ahensya ng pamahalaan dahil hindi maganda na ang isang kawani ang gagamit ng nasabing mga luxury vehicles.

Titiyakin naman ng BOC na magiging transparent at competitive ang bidding o auction.

Kung magkakataon, sinabi ni Comm. Nepomuceno na maaaring kumita sa subasta ang gobyerno ng tinatayang P200 milyong na maaaring magamit sa mga programa at proyekto.

Facebook Comments