Manila, Philippines – Kinastigo ni Senator Sonny Angara ang Bureau of Customs dahil sa patuloy na kabiguan na maglabas ng guidelines o patakaran para sa tax-free balikbayan boxes.
Nakapaloob ito sa Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) naipasa noong kalagitnaan pa ng nakaraang taon.
Dismayado si angara dahil magpapasko na pero wala pa ring kasiguraduhan kung mapapakinabangan na mga overseas filipino workers ang nabanggit na prebilehiyo.
Sinuspinde ng BOC ang pagpapatupad ng tax free balikbayan box makaraang ulanin ng batikos ang naunang implementing rules ang regulations na inilabas nito.
Ayon kay Angara, noong nakaraang taon pa niya iginigiit sa BOC na ipatupad na nang klaro at tama ang batas sa paraang hindi magiging pahirap lalo na sa mga OFWs.
Idinagdag pa ni Angara na isang magandang hakbang para sa bagong pamunuan ng Customs na maitama sa lalong madaling panahon ang alituntunin sa balikbayan box para manumbalik ang kumpiyansa ng taumbayan sa ahensya.