Muling nagsagawa ng pagbabakuna kontra COVID-19 ang Bureau of Customs (BOC) sa kanilang mga empleyado bilang bahagi ng programa ng pamahalaan na mabakunahan ang mga kabilang sa mga itinuturing na economic frontline workers.
Ikinasa ang pagbabakuna sa Port Area sa lungsod ng Maynila katuwang ang Inter-Agency Task Force (IATF), Manila Health Department at ang Department of Health (DOH).
Nasa 630 doses ang inilaan para mabakunahan ang mga tauhan ng customs kung saan unang ikinasa ang pagbabakuna sa mga ito noong June 19, 2021 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa naging pahayag ni Testing Czar Secretary Vince Dizon na isa sa mga naging bisita ng vacciantion program, iginiit nito na malaking papel ang ginagampanan sa ngayon ng mga tauhan ng Customs lalo na’t sila ang nagpoproseso para mai-release agad ang mga bakuna kontra COVID-19 na dumarating sa bansa.
Iginiit ng kalihim na sa kabila ng seryosong banta na dulot ng COVID-19 pandemic, nagagawa pa rin ng mga taga-custom nang maayos ang kanilang trabaho.
Bukod sa mga bakuna kontra COVID-19, agad din naipoproseo ang mga dumarating na mga gamot at Personal Protective Equipment (PPE) na ginagamit ng mga health care worker.
Nabatid na sa ilalim ng pamumumo ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nagagawa nila na agad na mapabilis at maging maayos ang proseso sa pagre-release ng mga bakuna kontra COVID-19 sa tulong ng IATF at DOH bilang supirta sa ikinakasang mass vaccination ng gobyerno.