
Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) laban sa panibagong modus na gumagamit sa pangalan ng ahensya at ni Commissioner Ariel Nepomuceno para manghingi ng pera kapalit umano ng “special treatment” o mabilis na pagproseso ng kargamento.
Tinawag na “Enrollment Scheme” ang modus na ito kung saan pinalalabas na programa ng BOC pero mariing itinanggi at kinondena ng ahensya.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, hindi kailanman kukunsintihin ng BOC ang anumang uri ng panunuhol o pangingikil, at tiniyak niyang agad na papanagutin ang mga nasa likod ng naturang scam.
Binalaan din ng BOC ang publiko at mga stakeholder na sinumang makikipag-ugnayan sa ganitong uri ng pekeng alok ay may pananagutan at maaaring makasuhan.
Hinimok din ni Commissioner Nepomuceno ang lahat na manatiling mapagmatyag at agad i-report ang mga kahina-hinalang solicitation sa BOC hotline 8705-6000 o sa complaints@customs.gov.ph.
Tiniyak ng BOC na patuloy itong nakatuon sa transparency, accountability, at pagsugpo sa korapsyon upang maibalik ang tiwala ng publiko.









