Maaaring kasuhan ng civil at administrative cases ang mga sangkot sa smuggled COVID-19 vaccines na natanggap ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ito ang naging pahayag ng Bureau of Customs (BOC) kung saan kinumpirma nila na wala silang natanggap na formal communication sa ginawang pag-angkat ng nasabing bakuna.
Ayon kay BOC Assistant Commissioner at Spokesperson Philip Vincent Maronilla, kung mapapatunayan na walang pahintulot ang pagpasok ng mga bakuna sa bansa ay maaari silang makasuhan ng Customs Modernization Act o smuggling.
Kasabay nito, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General at Health Undersecretary Enrique Domingo na hindi pwedeng kasuhan ang mga indibidwal na nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Aniya, ang mga illegal na nag-import, nagbenta at nagpamahagi nito ang posibleng maharap sa kaso.
Samantala, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pondo ng pamahalaan ang ginamit sa pagbili ng bakunang natanggap ng PSG.
Ibig sabihin aniya hindi nalabag ng pamahalaan ang prayoridad sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.