BOC, nagbabala sa publiko hinggil sa mga pekeng social media account na ginagaya ang pangalan ng ahensiya

Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko hinggil sa kumakalat na pekeng Facebook account ng ahensiya.

Sa pahayag ng BOC, nadiskubre nila na marami ng pekeng Facebook page ang gumagamit ng kanilang pangalan, logo at nagpapakilala pa ng mga opisyal ng Customs.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nakatanggap sila ng ulat na ang mga pekeng account na ito ay kinokopya at nire-repost rin ang mga opisyal na pahayag, anunsyo at iba pa pang impormasyon ng BOC.

Hinihikayat ni Comm. Nepomuceno ang publiko na mag-ingat sa ganitong uri ng iligal na gawain kung saan huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon at huwag magpadala ng bayad.

Maigi rin na huwag ng tangkilikin ang mga hindi verified na account ng BOC sa Facebook tsaka i-report upang matigil sa panloloko.

Sinabi pa ni Comm. Nepomuceno na gumagawa na sila ng paraan upang tuluyan nang mawala ang mga pekeng Facebook account kasabay ng panghihikayat sa publiko na maging mapanuri at mag-doble ingat.

Facebook Comments