Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko hinggil sa mga pekeng social media account na ginagamit ang pangalan ng kanilang ahensiya.
Sa abiso ng BOC, may ilang indibidwal o grupo ang nagpapakilala sa social media na tauhan ng customs kung saan ginagamit nila ito sa ilegal na paraan at marami na rin ang nabibiktima nito.
May ilan din ang idinarawit pa ang pangalan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na naniningil ng pera para sa mabilisang transaksyon sa mga kargamento.
Nilinaw ng BOC na hindi sila nagsasagawa ng anumang transaksyon na idinaraan sa social media o sa mga online platform at tanging sa opisina lamang nila ito ginagawa.
Kaugnay nito, nakipag-uugnayan na ang BOC sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para makilala at managot ang mga nasa likod ng ilegal na gawain.
Pinapayuhan naman ang publiko na huwag nang tangkilikin at agad na i-report sa mga awtoridad o sa tanggapan ng BOC ang sinumang mag-aalok nito.