Pinaghahandaan na ng Bureau of Customs (BOC) ang posibleng pagkakaroon ng port congestion sa Manila International Container Port (MICP) dahil sa pagbabalik ng truck ban sa EDSA at C5 road.
Ayon kay MICP Deputy Commissioner of Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) Edward Dy Buco, nakikipag-coordinate na sila sa mga shipping line at terminal operators para maiwasan ang pagkaantala ng ilang cargo sa nasabing pantalan.
Aniya, nagbaba na ng kautusan ang ahensya sa Customs Container Control Division na alisin ang mga empty container na maaaring magdulot ng pagsisikip sa MICP.
Samantala, sa kabila ng hindi maiiwasang epekto ng truck ban sa pagbabiyahe ng mga produkto, tiniyak ng BOC sa mga stakeholders nito na mananatiling manageable ang sitwasyon sa mga pier.