BoC, naglabas ng panuntunan para sa mabilis na paglabas ng shipment na medical supplies

Naglabas na ang Bureau of Customs (BoC) ng panuntunan para sa mas mabilis na paglabas sa mga imported na personal protective equipment o PPE at iba pang medical emergency supplies para sa paglaban sa COVID-19.

Sa ilalim ng Customs Administrative Order (CAO) 07-2020, nililinaw ng Customs ang guidelines para sa Tax and Duty-Exempt Importations ng mga PPE at medical emergency supplies ay base narin sa ilalim ng Section 4(O) ng Republic Act 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act”.

Ayon sa Customs, exempted muna ang importers ng PPEs at medical equipment and supplies sa pag-present ng Certificate of Product Notification at Certificate of Product Registration mula sa Food and Drugs Administration na requirement bago i-release ang mga kargamento.


Pero ayon sa Customs, kailangang makapagpakita ang importer ng kopya ng kanilang License to Operate at patunay ng aplikasyon para sa kanilang product notification sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon pa sa Customs, ang mga importer ng ventilators, respirators at mga accessories nito na gagamitin sa komersyo ay kailangan lamang magpakita ng License to Operate.

Ang mga imported na health products para sa donasyon na sertipikado ng mga regulatory agencies o accredited third party organizations sa pinanggalingan nitong bansa ay otomatikong cleared na.

Hindi na rin kailangan ng FDA clearance bago ang pagre-release ng foreign donations gaya ng PPEs, ventilators, respirators at accessories na gagamitin sa mga COVID-19 patients.

Ang mga imported goods sa ilalim ng Section 4(O) ng RA 11469 na nairelease o irerelease sa ilalim ng Provisional Goods Declaration ay kailangan pa ring mag submit ng Tax Exemption Indorsement (TEI) mula sa Department of Finance-Revenue Office matapos ang April 12, 2020 o kapag natapos na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments