Lalong pinaigting ng mga tauhan ng Bureau of Customs o BOC-NAIA at Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagbabantay laban sa pagpasok ng contaminated pork at pork products na may African swine fever (ASF).
Ito ay makaraang masabat sa NAIA Terminal 1 ang isang balikbayan box na naglalaman ng halos dalawa pung kilo ng frozen meat products mula sa Canada.
Pasalubong sana ng pasaherong senior citizen ang nasabat na frozen meat products.
Natuklasan ang mga pork bacon at sausages ng dumaan sa x-ray.
Sinabi ni NAIA District Collector Mimel Talusan, tanging meat products na may import permit o sanitary and phyto-sanitary import clearance lamang ang papayagan o qualified for release sa ports.
Idinagdag pa ng opisyal, upang mapangalagaan laban sa epidemya, ang Bureau of Animal Industry (BAI) officials at BOC-NAIA ay nagsagawa ng mga briefing at pagpapakalat ng impormasyon sa Customs NAIA frontliners ng Terminals 1, 2 at 3 upang palakasin ang pagbabantay laban sa African swine fever (ASF).
Ang Customs NAIA ay patuloy na makikipag-ugnayan sa mga ahensya upang i-secure ang mga border laban sa pagpasok at paglabas ng mga prohibited, regulated goods upang maprotektahan ang industriya ng baboy at kabuhayan sa Pilipinas.
Mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ang pagpasok ng pork meats at meat products na posibleng kontaminado ng African swine fever virus mula sa mga bansang China, Belgium, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine .