Mayroon pang natitira mahigit 3,500 na balikbayan boxes mula sa mahigit 8,600 na mga inabandona ng foreign courier services, ang pino-proseso ngayon ng Bureau of Customs (BOC) para maibigay na sa mga nagmamay-ari.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BOC Spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., na sa ngayon ang mga ito ay nasa 32 abandonadong container vans.
Una rito ay na-i-deliver at naibigay na ng BOC sa mga may-ari ang limang libong balikbayan boxes hanggang nitong December 16.
Ayon kay Dela Torre, mula Setyembre ng taong ito ay libu-libong balikbayan boxes na ang inabandona ng foreign consolidators karamihan ay galing sa Middle East.
Paalala ni Dela Torre sa publiko, libre o walang bayad ang shipments o pag-deliver nila ng mga kahong ito mula sa kanilang bodega.
Hindi aniya tumatawag o nag-ti-text sa nagmamay-ari o consignee ng bagahe, ang kagawaran para sabihing kailangang magpadala ng pambayad na ipadadala sa bank account o money transfer para mailabas ang bagahe o kargamento.
Kaya naman huwag aniyang maniwala sa mga ganitong mensahe na ginagawang modus para makapanloko.