Nalagpasan ng Bureau of Customs (BOC) ang target na koleksyon nito sa nakalipas na buwan ng Mayo.
Nakakolekta ang BOC ng P77.79 bilyon o lagpas ng P5.44 bilyon sa itinakdang target nitong makolekta na P72.35 bilyon.
Mas mataas din ito ng P11.50 bilyon o 17.36% kumpara sa nakolekta ng ahensya noong Mayo taong 2022.
Mula Enero hanggang Mayo, nakakolekta na ang BOC ng kabuuang P359.17 bilyon, lagpas ng P13.23 bilyon sa itinakdang target collection nito na P345.94 bilyon kung saan mas mataas naman ito ng P38.66 bilyon kumpara sa nakolekta sa unang limang buwan ng 2022.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio, naging mas masusi ang pangongolekta ng buwis at mas maigting na pagbabantay sa mga border laban sa smuggling ang kanilang ginagawa kaya nalagpasan ang target.
Inilatag ni Commissioner Rubio ang five-point priority program upang mas maging epektibo ang BOC sa pagganap sa mandato nito.
Pinaigting pa ng BOC ang pagmamanman sa mga warehouse kung saan itinatago ang mga naipupuslit na produkto, pag-digitalize ng proseso upang mas maging mabilis, mas malakas na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya na kinukuhanan ng permit para sa mga ipapasok na produkto, at pagbibigay ng mga bagong kasanayan sa mga tauhan ng BOC upang gumanda pa lalo ang kanilang performance.