Target ng House Committee on Appropriations na unahin na isalang sa kanilang oversight investigation ang mga anomalya sa Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, malinaw naman ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na paigtingin pa ang anti-corruption efforts ng pamahalaan laban sa mga tiwaling opisyal na suportado naman ng kanyang komite.
Tiniyak ni Yap na i-e-exercise ng Appropriations ang kanilang oversight function partikular na sa paggugol ng budget ngayong may pandemya kung saan uunahin dito ang BOC na matagal nang sinasabing talamak ang korapsyon.
Handa aniya silang makipagtulungan kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero upang tukuyin ang mga tiwaling opisyal at linisin ang BOC.
Nagbabala rin ang kongresista na kung hindi matitigil ang iregularidad sa BOC ay irerekomenda niya ang pagtapyas o pag-alis ng budget ng ahensya sa 2021 sa pagsalang ng pambansang pondo sa bicameral conference committee.
Nakahanda rin aniya ang Komite na makipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga report sa gagawing imbestigasyon sa BOC at magbabantay hanggang sa may masampahan ng kaso sa Ombudsman.