BOC, unang nadiskubre ang mga iligal na droga na nakumpiska sa anak ni DOJ Sec. Remulla

Iginiit ng Bureau of Customs (BOC) na nauna na nilang nadiskubre ang mga iligal na droga na nakumpiska sa anak ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na si Juanito Jose Diaz Remulla III.

Sa isang panayam kay BOC Spokesperson Arnold Dela Torre, sinabi nito na ang mga package na may lamang 900 na gramo ng kush’ o high grade marijuana na kinuha ng nakakabatang Remulla ay nadiskubre ng kanilang mga tauhan ng sumailalim ito sa x-ray.

Aniya, September 27 ng dumating ang package sa Central Mail Exchange Center.


Ayon kay Dela Torre, agad nilang isinailalim sa beripikasyon ang natirang package kung saan ipinaaalam na nila ito sa pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Dagdag pa ng tagapagsalita ng BOC, ipinaubaya na nila sa PDEA ang pagkasa ng operasyon para madakip ang sinumang mag-claim ng naturang package na may lamang iligal na droga.

Matatandaan na nitong Martes, October 11 ng kunin ni Remulla ang nasabing package na ipinadala ng isang Benjamin Huffman mula sa Amerika.

Nabatid na ang pahayag ni Dela Torre ay bilang sagot sa mga tanong ng ilang mga indibidwal kung may hakbang na ginawa ang kanilang tanggapan lalo na’t sila dapat ang unang makaka-alam.

Sinabi ni Dela Torre na lahat ng mga dumarating na package o kargamento na may lamang mga iligal na droga ay nalalaman ng BOC at agad silang nakikipag-ugnayan sa nararapat na ahensiya ng pamahalaan upang sila na ang gumawa ng operasyon para malaman ang mga sangkot na indibidwal na kukuha at magpapakalat nito sa bansa.

Facebook Comments