Manila, Philippines – Nilinaw ng pamunuan ng Bureau of Customs na wala pang Implementing Rules and Regulation o IRR tungkol sa pagpapadala ng mga balikbayan boxes ng mga OFW ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña hanggang ngayon umano ay wala pang ipinapalabas na guidelines o panuntunan ang BoC ukol sa Tax-Free balikbayan boxes ng mga OFW.
Kamakailan ay sinuspende ng BOC ang dalawang kautusan na nagtakda ng mga alituntunin sa mga Tax-Free balikbayan box makaraang makatanggap ng iba’t ibang reklamo ukol sa hinihiling na mga requirement para makapag-avail ng nasabing Tax Incentives.
Batay sa Customs Administrative Order 05-2016 at Customs Memorandum Order 04-2017na inilabas ng BOC noong Agosto, tanging mga kuwalipikado lamang na Pinoy na nasa abroad ang kailangang magsagawa ng Information Sheet na kasama ang itemized na listahan ng nilalaman ng ipapadalang balikbayan box habang kailangan ding magsumite ng kopya ng mga resibo para sa mga brand.