Pumanaw nitong Huwebes si Bocaue, Bulacan Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna.
Ayon sa Jesus Is Lord (JIL) Executive Management Board, binawian ng buhay ang alkalde pasado alas-5 ng hapon dulot ng sepsis secondary to bacterial pneumonia.
“She dreamed big dreams for God and the ministry and worked day and night to bring those to fruition. In fact, she was the brains behind JIL’s many breakthrough programs, systems, structures, and infrastructures, some of which include the renovation of Camp Praise Valley,” pahayag ng grupo.
Si Mayor Tugna ay anak ni Bro. Eddie Villanueva at kapatid ni Senator Joel Villanueva. Matatandaang namatay ang kanilang ina na si Dorie nitong Marso ng kasalukuyang taon.
Naulila niya ang asawang si CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna at apat na anak.
Kamakailan ay naging laman ng balita ang opisyal matapos bilhin ang tone-toneladang gulay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at ipinamigay sa nasasakupan upang tulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng enhanced community quarantine.
Nagwaging alkalde si Villanueva-Tugna noong 2016 elections sa pamamagitan ng “coin toss,” ang prosesong ginagamit ng Commission on Elections (COMELEC) kung tabla ang magkalabang kandidato.
Ilan sa mga nagpaabot ng pakikiramay ay sila Sen. Sonny Angara, dating Senator JV Ejercito at PDP Laban Executive Director Ron Munsayac.
Humiling muna ng pribadong oras ang naulilang pamilya para sa pagdadalamhati.