Bodega na hinihinalang may mga nakatagong asukal, pinuntahan ng mga awtoridad

Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na may isa pang bodega ang pinuntahan na rin ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ngayong araw sa lalawigan ng Bulacan.

Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon na diumano ay posibleng nagho-hoard o pumipigil na mailabas sa merkado ang suplay ng asukal.

Hindi pa maibigay ni Atty. Angeles ang kumpletong detalye dahil posibleng hindi pa tapos ang ginagawang pag-inspeksyon at pag-imbentaryo ng mga tauhan ng BOC.


Aniya, asahan pa sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng ganito pang mga aktibidad sa ilan pang mga bodega sa bansa.

Nilinaw rin ni Angeles na ang hakbang na ito ay hindi tinatawag na raid sa halip bahagi ng visitorial power ng gobyerno sa mga bodega para malaman kung totoo bang may nagaganap na hoarding sa suplay ng asukal.

Kahapon, una nang binisita ng mga tauhan ng BOC sa isang bodega sa San Fernando, Pampanga dahilan ng pagkakahuli ng warehouse keeper na isang Chinese-Filipino national at nagsagawa na pag-imbentaryo at inspeksyon.

Kasama ng mga taga -BOC ang mga kinatawan ng Department of Trade and Industry at Sugar Regulatory Administration.

Facebook Comments