
Cauayan City – Nasunog ang isang bodega sa District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya nitong ika-12 ng Abril.
Ayon sa caretaker ng lugar, sunud-sunod na pagputok ang narinig nito bago tuluyang mapansin ang apoy na mabilis na kumalat sa bodega.
Agad na rumesponde ang mga otoridad, subalit hindi na naisalba ang anumang kagamitan sa loob ng gusali.
Sa kabila nito, matagumpay namang naapula ang apoy bago pa man ito kumalat sa mga kalapit na bahay.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bayombong ang sanhi ng sunog kung saan nagkaroon umano ng brownout bago mangyari ang insidente, at posibleng may kinalaman dito ang problema sa linya ng kuryente.
Tinataya pa rin ang halaga ng pinsala, kabilang na rito ang koleksyon ng mga mamahaling halaman na ilang taon nang inalagaan at ilan ay mula pa sa ibang bansa.
Samantala, ito na ang ikatlong kaso ng sunog na naitala ng BFP Bayombong ngayong taon.