Huli ang isang 51 taong gulang na lalaki, na may dala ng baril ngayong unang araw ng implementasyon ng election gun ban.
Sa report na nakarating sa kampo crame, isang glock pistol ang nasamsam kay Melquiades Quieta, residente ng Tanza, Cavite.
Sa paunang imbestigasyon, lulan si Quieta ng motorsiklo nang mapadaan sa Commission on Elections (COMELEC) checkpoint sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite at nakuha sa kanyang pag-iingat ang nabanggit na baril.
Hawak na ngayon si Quieta ng mga awtoridad at natakdang ipagharap ng kasong illegal possession of firearms in relation to implementation of election gun ban.
Batay sa calender of activities ng COMELEC, kasabay ng pag-arangkada ngayong araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre ay sinimulan na rin ang pagpapatupad ng election gun ban.
Sa ilalim nito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas, maliban na lang sa mga binigyan ng awtorisasyon ng poll body.
Tatagal ang COMELEC gun ban hanggang November 29, 2023.