BOGA AT MAIINGAY NA TAMBUTSO, MAHIGPIT NA IPINAGBABAWAL SA MANGALDAN

Patuloy na pinaiigting ng kapulisan sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan ang kampanya laban sa paggamit ng ilegal na pampaingay ngayong Holiday Season tulad ng boga at mga ipinagbabawal na tambutso na nagdudulot ng abala at panganib.

Ayon kay Police Chief PLtCol. Roldan Cabatan ng Mangaldan Police Station, mas pinaigting ang pagbabantay sa mga barangay upang mahuli ang mga gumagamit ng boga. Kamakailan lamang, nasa 20 boga na ang nasabat ng kanilang hanay na nakuha mula sa mga menor de edad.

Bukod dito, mahigpit ding binabantayan ang mga motorista na gumagamit ng mga ilegal na tambutso na nagdudulot ng malakas na ingay, lalo na sa gabi. Ayon sa lokal na ordinansa, ang sinumang mahuling gumagamit ng ganitong uri ng tambutso ay maaaring pagmultahin ng halagang P1,000 hanggang P2,000.

Hinikayat ng kapulisan ang mga residente sa kanilang kooperasyon upang masiguro ang kaligtasan at katahimikan sa kanilang lugar, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments