Nananawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas na simulan na ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Hirit ito ni Brosas, makaraang malantad sa pagdinig ng House Committee on Good Governance ang umano’y gawa-gawang mga resibo para sa paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President.
Ang tinutukoy ni Brosas ay ang nadiskubreng 158 kwestyunableng resibo na magkakapareho ang ink signatures, mali-mali ang mga petsa at tila imbento ang mga pangalan.
Para kay Brosas, indikasyon ito ng large-scale fraud at corruption at hindi lang simpleng kaso ng documentation errors kundi pagtatangka na pagtakpan ang maling paggamit sa pera ng taumbayan.
Giit ni Brosas, ang ganitong fabrication ng official documents para pangatwiranan ang paggastos sa pondo ay isang pagtataksil sa tiwala ng mamamayan at malinaw na korapsyon na parehong impeachable offenses sa ilalim ng ating Konstitusyon.