Tatanggap na ang lalawigan ng Bohol ng leisure travelers simula sa Disyembre 15 sa ilalim ng “test-before-travel” policy.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, welcome sa lalawigan ang mga turista na magmumula sa General Community Quarantine (GCQ) areas gaya ng Metro Manila.
Aniya, inalis na rin age restriction ng mga turista dahil pami-pamilya ang mga Pinoy kung magbakasyon.
Sinabi rin ni Puyat na naglaan din ang Tourism Promotions Board (TPB) ng ₱10 milyong subsidy para sa lalawigan para sa low-cost COVID-19 Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing.
Giit naman ni Bohol Governor Arthur Yap, mahigpit na ipinagbabawal ang ‘Do It Yourself’ (DIY) tours at limitado lang ang bilang ng turista.
Kailangan din aniya ng mga turista na magparehistro sa website ng lalawigan na www.centralbooking.myboholtouristcard.com upang ma-validate ang kanilang travel request.
Maliban dito, kailangan ding magpresinta ng negatibong resulta ng kanilang RT-PCR test na isinagawa 72 oras o tatlong araw bago ang kanilang biyahe.